Udyok ni Nasyon

UNITED NATIONS 2012
Eastern Visayas State University Main Campus

Kausapin mo ako.
Ikaw na bagong henerasyon.
Ikaw nga!

Subukan mo namang lakbayin ang lumang panahon
at pansamantalang iwanan ang globalisasyon.
Tahakin ang mundong minahal at pinaglaanan ng pasyon
ng mga pantas ng nakaraang sibilisasyon.
Palawakin ang imahinasyon
at diskubrehin ang mga misteryosong lugar na di na natutunton
ng isang pindot lamang ng buton.

Paglangoy didto sa dagat ng Calicoan sa Samar hangga’t di pa umaalon;
sa Biliran, akyatin ang punong matayog hasta ang buko ay matunton.
Tikman ang kan-on na niluto sa panggatong
na magdamag na pinutos sa dahon ng saging ng mga Waraynon!

Hambog pala si Pacman! Nakaon ng gintong sinturon
Ay naku! Handang-handang sumuka sa ngaran ng relihiyon!
at si Lydia de Vega na bagat isang maton;
Sa takbuha’y mas mabagsik pa pala sa lason!

Kung sa Manila’y naumay na sa machong balbon
punta ka lang, mamasyada doon sa Tacloban;
magagalang, masisipag at mapagmahal ang mga naroon
relihoyoso pa mandin – mga kagandahang-asal na diri naluma ng panahon.

Buhayin ang pag-iibigan nina Samar at Leyte sa tulay ng San Juanico
magkahawak-kamay habang-buhay; di napaghihiwalay kahit pa ng malalaking alon.
Kasing-tibay ng sumpaang hanggang sa kahuli-hulihang pagkakataon;
hayun at nananatiling daanan pa rin ng mga taong Tabon!

Paganahin ang puso’t isipan
sa bawat salitang makakasalubong;
mahalin ang mga nasa likuran
ng mga makukulay at malilikhaing katha na mayroon
ang sanlibutan ng kasalukuyan
na tila nakalimot na
dahil sa bilis ng modernisasyon,
kasabay ng pagkawala ng samu’t saring buhay
ng mga nabubuhay noon.

Pagnilayan mo naman ang samu’t saring emosyon
na bumabalot sa bawat kataga at kwento sa ating mga kanta’t tula, sa ating panitikan.
Sapagkat isa ‘yan sa mga dahilan
sa mas malawak na pag-uusap, pagkakaunawaan at malalim na pag-uugnayan
na tinatamasa ng lahat sa mundo ngayon.

Bagaman ‘di direktang ginagamit sa malawakang komunikasyon
‘wag mong ikaila na dahil sa kanya’y nagkaroon ka ng identipikasyon.
Alam ko, Wikang Filipino sa iyong mga mata’y unti unting lumiliit
pati na ang samu’t-sari n’yang mga kapatid sa labas
dahil ‘di ka raw competitive pag sila ang gamit mo.
Sige, magpakabanyaga ka na lang araw araw
kahit di kailangan,
kahit wala ka naman sa kumperensiya o kausap na foreigner!

Pero friend,
aanhin mo naman, paghanga nila kung sa sariling pagkakakilanlan ay salat?
Sigurado ako.
Aawayin ka rin nila,
tatapak-tapakan pagdating ng panahon
na sawa na silang makinig sa’yo;
sa simpleng dahilang ‘di ka naman talaga nila KILALA.
Sumasabay ka nga sa kanila
pero kailanman, maniwala ka, ‘di ka tumatak sa isipan nila.
Dahil wala, nakalimutan at ayaw mo lang namang ipakilala, iyong KAIBAHAN.
Makakalimutan ka rin nila dahil di ka naman talaga KAISA sa kanila.

Iba ka.
Naiiba ka.
Totoo ‘yon!

Ngayon, hayaan mong isilang ang mga bagong inspirado ng pagkakataon;
ikaw ang magsisimula at magsasakatuparan niyon.
Ipalaganap mo, bagong henerasyon;
buhayin, gamitin, mahalin at diskubrehin pang maigi
makulay na lengguwahe at panitikan mong pinagmulan!

Ngayon na!
Ngayon na!
Pag nangyari ‘yon
Malamang ako na ang susunod.

Nagmamahal,
Pilipinas mong Nasyon

mamromy

Ito po ang kauna-unahan at opisyal kong lahok sa kategoryang Malikhaing Pagsulat ng Tula para sa SARANGGOLA BLOG AWARDS 4

Ang Saranggola Blog Awards 2012

ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng

Maraming Salamat sa ating mga sponsors:

www.saranggolablogawards.com

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s